Showing posts with label tula. Show all posts
Showing posts with label tula. Show all posts

Thursday, August 29, 2013

Ang dilim ay patuloy sa pagbalot
ng kanyang mga kamay sa isipang
uhaw sa haplos ng liwanag.
At syang tumutulak sa kanyang bumitiw
sa lahat ng pangarap na nais makamtan.
Dahan dahang hinihigpitan
ang hawak ng dilim sa isipang
unti unti nang nagkakalamat
dala ng hirap ng pahanon.
Dumadami na ang mga linyang
gumagapang sa marupok nyang isipan,
dumudugtong dugtong
hanggang sa naging konektado ang lahat.
At sa muling pag diin ng mga daliri ng dilim,
ay tuluyan ng nabasag ang kanyang manipis na isip,
na syang kumitil sa nalalabing kinang,
sa kanyang kaluluwang lumalaban pa.

-eamarifosque 081313-

Sunday, August 25, 2013

Ikaw ang sinasamba ng mga salitang
sinusulat ng aking panaginip,
at sa bawat pag pikit ng mga matang
ikaw lamang ang nais masilayan
hanggang sa pag tulog iyong imahe
ang syang dadalhin.

Hawak ko ang mga pangakong
minsan mo nang nasambit,
at sila ang gagawin kong tulay
patungo sa iyong tabi
para ibigay sa iyo
ang isang matamis na halik.

-eamarifosque 080513-

Wednesday, August 14, 2013

Wala nang saysay ang mga salitang paulit ulit na binabaybay,
'pagkat bingi na ang mga tenga sa mga pangakong
napako sa kawalan.
Himukin man ng mapanuyong salita wala ng halaga
'pagkat ang pusong dating sabik ngayo'y pilit ng
lumalagay sa tahimik.
Makalimutan lamang ang dulot na sakit
ng mga salitang minsan ng lumabas sa iyong mga labi.

-eamarifosque 080313-

Monday, August 12, 2013

Hanggang saan dadalhin ng mga paang naglalakbay
ang takbo ng iyong isipang puno ng katanungan.
Habang pilit nitong hinahanap ang kasagutan
sa ilalim ng bote ng alak at kinang ng yosing nakasindi.
Nasa bawat buga ba ng usok mula sa mga labing
tila walang kakayahang bumuo ng salita,
ang mga sagot sa mga tanong na dala ng iyong isipan?
Panonoorin mo lamang ba ang usok ng sigarilyo
na umikot at sumayaw sa iyong harapan
hanggang sa tangayin ito ng ihip ng hangin?

-eamarifosque 080113-

Monday, August 5, 2013

Huwag nating hayaan ang agos ng panahon
na tangayin tayo patungo sa kawalan,
at baliin ang mga tulay na ating binuo
kasama ang mga pangarap ng ating mga puso.

Labanan natin ang paggapang ng oras,
hawakan natin ang bawat minutong lumilipas,
bumitaw man ang araw mula sa kalangitan,
aangkinin naman natin ang kadiliman.

Nasa ating mga kamay ang kinabukasang
matagal na nating inaasam-asam,
tayong dalawa ang syang guguhit ng ating landas
kung saan ang ating mga puso ay malayang
magsasama hanggang sa katapusan.

Kukunin natin ang bawat sandaling tayo'y magkasama
at isusulat sa mga pahina ng ating sisimulang buhay,
kahit man ang pait ng ating mga nakaraan
ay may puwang sa kwentong tayo ang may akda.

Dahil ang mga sakit na nadarama noon
ay syang nagdala sa atin kung nasaan tayo ngayon,
magkahawak ang mga kamay at may mga ngiti
sa mga labing nagsasabing atin ang oras na ito.

-emarifosque 072313-

Sunday, July 21, 2013

binabaybay ng isipan ang katahimikan ng kalawakan,
at sa bawat dampi ng hanging sa mga pisnging animo'y
hinahagod ng mga kamay ng iniibig
ay syang pagbitaw ng kalungkutan sa kanyang mga mata.
binabasa ang mga kamay na nakahawak sa iyong
imaheng pinagmamasdan ng paulit ulit
kahit ito pa'y napupunit na sa paglipas ng panahon
na ika'y wala sa kanyang tabi.
na tanging ang langit lamang ang parating saksi
sa bawat luhang pumapatak mula sa mga
nagsusumamong mga matang nakatanaw sa kalawakan,
naghihintay sa iyong pagbabalik,
upang masilayan muli ang iyong mga ngiting
nagbibigay ng dahilan para sya'y mabuhay namag muli.

-eamarifosque 070313-

Thursday, July 18, 2013

Para saan pa ang mga luhang umaagos
sa mga matang tinatanaw ka sa iyong paglisan,
kung ang likod mo lamang ang iyong sagot
sa pusong nagkamaling ibigin ka ng lubusan?

Para saan pa ang mga iniindang kalungkutan,
kung ang paglipas ng mga araw ay 'di ka man lamang
maihatid sa aking pintuan?
Bilangin ko man ang mga oras na lumipas
alam kong hindi ko na maibabalik ang mga nakaraan.

Para saan pa ang ibigin ka ng walang pagaalinlangan
kung ang puso mo'y sinarado mo na?
Katukin man ng aking puso ang iyong pintuan
pagbubuksan mo nga ba sya?

-eamarifosque 062617-

Friday, July 12, 2013


Ikaw ang umagang nais kong masilayan
at ang gabi'y para sa ating mga pusong nagmamahalan.
Ang iyong liwanag ang syang pupukaw
sa dilim na bumabalot sa aking isipan
at syang gagabay sa akin palapit
sa iyong mga nakaabang na mga kamay.
Ang aking takbuhan, ang aking tahanan,
sa piling mo'y ibibigay ang aking kalayaan,
at ang pangakong walang ibang hahagkan
'pagkat ang puso kong minsan nang nasaktan,
ay sa iyo natutong magmahal ng walang hanggan.

-eamarifosque 062513-

Tuesday, July 9, 2013

nangingitim na ang mga daliring nakahawak sa panulat
ng kahapon,
at sa bawat pagbuo ng mga salitang dinudugtong
dugtong,
ay mababasa ang mga panaginip na syang pilit na
inaalala.
mga alaalang minsang nagbigay kulay sa kanyang mga
umaga, hapon at gabi,
hanggang sa ang mundo nya'y tuluyang nalunod sa
mga ngiting di kayang ikubli.
at ito ang mga laman ng bawat pahina sa kanyang
libro,
na syang isinusulat habang tumutulo ang kanyang mga
luha,
sapagkat ang mga alaalang ito ang tanging bumubuhay
sa kanya,
habang ang puso nya'y dinudurog na ng iyong paglisan.

-eamarifosque 061213-

Thursday, June 6, 2013

Isusulat Ko

Isusulat ko sa iyong mga palad ang aking panalangin,
at sa bawat pagbukas mo ng iyong mga kamay ay
masisilayan,
ang mga pangarap na nais kong buuin sa iyong piling.

Isusulat ko sa iyong mga palad ang nilalaman ng aking
puso,
at ng malaman mo na hindi birong magmahal ng
katulad mo,
na pilit ikinukubli ang mga emosyong nababasa sa
iyong mga mata.

Isusulat ko sa iyong mga palad ang mga salitang
pinagkaiingatan,
at ng maintindihan mo kung gaano kahalaga ang mga
salitang bibitawan ng mga labi ko,
na ang pusong ito kahit na di mo pansin, sa iyo pa rin
kusang lumalapit.

-eamarifosque 060413-

Sunday, April 28, 2013

Hulihin ang Oras


Igapos natin ang tumatakbong oras
pigilan ang mga kamay na kumukumpas.
Ihinto ang mga segundong bumubuo ng minuto
para hindi sila magkita ng mga oras na nais lumipas
sa bilin ng mundong patuloy sa pag ikot.
Igapos natin ang oras ng mahigpit
huwang syang palayain 'pagkat ito'y ating katapusan.
Panatilihin natin ang sandaling ito
na tayo'y magkatabi at masayang magkapiling.
Basahin natin ang isa't-isa
sa bawat haplos ng mga kamay
sa katawang unti-unting nabubuhay.
Ang mga mata'y patuloy na nangungusap
na angkinin natin ang oras na ito.
Palayain natin ang ikinukubling pag-ibig
na magliyab sa ating mga dibdib
at hayaan syanng lumagos sa ating mga kamay at labi
kung saan tayo maaaring maging isa
habang hawak natin ang nahuli nating oras.




-eamarifosque 042813-

Friday, April 19, 2013

Papel


pirapirasong papel tangay ng hangin
palayo sa mga kamay na pumupunit
sa mga pahina ng libro ng buhay.
unti unting inaalis ang mga alaalang
nagdulot ng pait at sakit habang ang 
mga tala'y patuloy na nakatingin. 
at ang mga luha ay patuloy sa pagdaloy
sa mga kanyang mga mata.
marahang pinupunit ang mga katagang
isinulat sa mga blankong papel ng kahapon, 
mga alaalang di na nais balik balikan. 
at sa bawat pilas ng papel na syang inaalis, 
ang syang pagpatak ng luha at pag dugo ng
pusong naulit na namang nasawi.




-eamarifosque 042013-