Monday, July 22, 2013

Hayaan mong ibulong ko sa hangin ang aking mga panalangin,
na sana'y dumampi sa iyong mga pisngi
ang mga halik na nais kong ipabatid.
Kasabay ng pagtibok ng nangangarap kong puso
na mapasaiyo balang araw.
Ang mga kamay na hinahanap hanap ang sa iyo
na minsan ng nahagkan ng mga labi kong ito,
ay naghihintay sa iyong pagdating
upang mahawakan silang muli.
Halika at kumapit ka ng mahigpit
hinding hindi kita iiwanan,
kahit man makalimutan mo ang mga sandali
itatago ko pa rin.
Ang mga panahong ako'y nasa iyong tabi
mga alaalang aking ikukubli
para kung dumating man ang araw na
ako'y nakalimutan mo ng tuluyan
huhugutin ko ang mga sandaling ito
at sila'y babalik balikan
hanggang sa sila'y tuluyan ng kumupas
at maglahong parang bula.

-eamarifosque 070913-

Sunday, July 21, 2013

binabaybay ng isipan ang katahimikan ng kalawakan,
at sa bawat dampi ng hanging sa mga pisnging animo'y
hinahagod ng mga kamay ng iniibig
ay syang pagbitaw ng kalungkutan sa kanyang mga mata.
binabasa ang mga kamay na nakahawak sa iyong
imaheng pinagmamasdan ng paulit ulit
kahit ito pa'y napupunit na sa paglipas ng panahon
na ika'y wala sa kanyang tabi.
na tanging ang langit lamang ang parating saksi
sa bawat luhang pumapatak mula sa mga
nagsusumamong mga matang nakatanaw sa kalawakan,
naghihintay sa iyong pagbabalik,
upang masilayan muli ang iyong mga ngiting
nagbibigay ng dahilan para sya'y mabuhay namag muli.

-eamarifosque 070313-

Thursday, July 18, 2013

Para saan pa ang mga luhang umaagos
sa mga matang tinatanaw ka sa iyong paglisan,
kung ang likod mo lamang ang iyong sagot
sa pusong nagkamaling ibigin ka ng lubusan?

Para saan pa ang mga iniindang kalungkutan,
kung ang paglipas ng mga araw ay 'di ka man lamang
maihatid sa aking pintuan?
Bilangin ko man ang mga oras na lumipas
alam kong hindi ko na maibabalik ang mga nakaraan.

Para saan pa ang ibigin ka ng walang pagaalinlangan
kung ang puso mo'y sinarado mo na?
Katukin man ng aking puso ang iyong pintuan
pagbubuksan mo nga ba sya?

-eamarifosque 062617-

Friday, July 12, 2013


Ikaw ang umagang nais kong masilayan
at ang gabi'y para sa ating mga pusong nagmamahalan.
Ang iyong liwanag ang syang pupukaw
sa dilim na bumabalot sa aking isipan
at syang gagabay sa akin palapit
sa iyong mga nakaabang na mga kamay.
Ang aking takbuhan, ang aking tahanan,
sa piling mo'y ibibigay ang aking kalayaan,
at ang pangakong walang ibang hahagkan
'pagkat ang puso kong minsan nang nasaktan,
ay sa iyo natutong magmahal ng walang hanggan.

-eamarifosque 062513-

Thursday, July 11, 2013

Palayain ang mga pusong binihag ng mapait na kahapon,
hayaan silang lumipad at mamungad sa dibdib ng mga nararapat
Mga ligaw na kaluluwang naghahanap ng kanilang sariling kinabukasan,
sa likod ng mga pasakit at hinagpis na nagnakaw
sa kanilang mga pusong iisa ang hangarin.
Ang makahanap ng tunay na kaligayahan
sa mundong kanilang ginagalawan.

-eamarifosque 062013-

Tuesday, July 9, 2013

nangingitim na ang mga daliring nakahawak sa panulat
ng kahapon,
at sa bawat pagbuo ng mga salitang dinudugtong
dugtong,
ay mababasa ang mga panaginip na syang pilit na
inaalala.
mga alaalang minsang nagbigay kulay sa kanyang mga
umaga, hapon at gabi,
hanggang sa ang mundo nya'y tuluyang nalunod sa
mga ngiting di kayang ikubli.
at ito ang mga laman ng bawat pahina sa kanyang
libro,
na syang isinusulat habang tumutulo ang kanyang mga
luha,
sapagkat ang mga alaalang ito ang tanging bumubuhay
sa kanya,
habang ang puso nya'y dinudurog na ng iyong paglisan.

-eamarifosque 061213-

Thursday, June 6, 2013

Isusulat Ko

Isusulat ko sa iyong mga palad ang aking panalangin,
at sa bawat pagbukas mo ng iyong mga kamay ay
masisilayan,
ang mga pangarap na nais kong buuin sa iyong piling.

Isusulat ko sa iyong mga palad ang nilalaman ng aking
puso,
at ng malaman mo na hindi birong magmahal ng
katulad mo,
na pilit ikinukubli ang mga emosyong nababasa sa
iyong mga mata.

Isusulat ko sa iyong mga palad ang mga salitang
pinagkaiingatan,
at ng maintindihan mo kung gaano kahalaga ang mga
salitang bibitawan ng mga labi ko,
na ang pusong ito kahit na di mo pansin, sa iyo pa rin
kusang lumalapit.

-eamarifosque 060413-